Advertisers
SUGATAN ang apat na sakay ng ambulansya nang maaksidente sa Strong Nautical highway, Barangay Adrialuna, Naujan, Oriental Mindoro, Biyernes ng umaga.
Ayon sa report ng Naujan Police, pag-aari ng Oriental Mindoro Central District Hospital (OMCDH) sa Pinamalayan ang ambulansya at patungo sa Balikatan Exercise/Earthquake drill sa Calapan City ang mga empleyadong sakay nito nang mangyari ang aksidente 8:19 ng umaga.
Ayon sa isang nasugatang sakay na si Joshua Cortez, iniwasan ng kanilang driver na masalpok ang sinusundang motorsiklo na nasa kanilang linya.
Dahil may makakasalubong, kinabig ng driver sa kanan ang manibela. Pero bumangga sila sa puno sa gilid ng highway bago ilang ulit na bumaliktad ang sasakyan at sumalpok sa pader ng isang bahay.
Sa lakas ng impact, nawasak ang pader at bumaliktad ang sasakyan sa gilid ng compound ng bahay.
Sa kuha ng CCTV ng bahay, kita ang pagtalsik ng mga sakay nito.
Agad sumaklolo ang mga tauhan ng MDRRMO mula sa bayan ng Naujan at Victoria at isinugod sa Oriental Mindoro Central District Hospital ang mga biktima.