Advertisers
NASA 231 ang kabuuang bilang ng fireworks-related injuries (FWRI) sa bansa, matapos na makapagtala pa ng 116 bagong kaso, sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Batay sa FWRI Report #11 ng DOH, nabatid na ang mga bagong kaso ay naitala mula 6:00AM ng Disyembre 31 hanggang 5:59AM ng Enero 1.
Sinabi ng DOH, maaaring mas mataas pa ang bilang na ito dahil marami pang naantalang ulat.
Sinabi ng DOH na ang pinakabatang nabiktima ng paputok ay 11-buwang gulang na sanggol mula sa National Capital Region (NCR) na ang mukha at kanang mata ay nasunog ng ilegal na piccolo na sinindihan ng ibang tao sa kalye.
Ang pinakamatandang kaso naman ay isang 76-anyos na lalaki mula sa Ilocos Region na nasugatan sa kanyang kanang mata ng isang kwitis na sinindihan niya sa bahay.
May tatlong bagong kaso rin ng amputation, kaya umabot na sa 11 ang kabuuan nito.
Wala namang karagdagang ulat ng paglunok ng paputok hanggang ngayon.
Nasa pito sa sampu o 82 ng mga bagong kaso o 71% ang lalaki.
Samantala, 107 o 93% naman ng mga bagong kaso na ito ay nangyari sa bahay at sa mga lansangan.
Nasa 60 kaso o 52% ang dahil sa legal na paputok.
Ang 57 kaso o 49% naman ay may aktibong paglahok o aktibong nagpaputok.
Ibinahagi rin ng DOH, “Ito ang unang Bagong Taon na walang anumang paghihigpit sa paggalaw dahil sa pandemya.”
“Ang pinakamataas na average na bilang ng mga kaso bawat araw, sa 375, ay noong Bisperas ng Bagong Taon ng 2011 (Dis 31-Ene 1), at bumaba ito sa 159 noong 2019,” ulat pa nito.
Ayon sa DOH, halos lima sa bawat 10 kaso ng total FWRI incidents ay nagmumula sa NCR (113, 49%), kasunod ang Central Luzon (27, 12%), at Ilocos Region (24, 10%).
Ang mga rehiyon naman na may pinakamababang bilang ng kaso ay ang Davao Region (1), MIMAROPA (1), Northern Mindanao (3), Central Visayas (3), at Cordillera Autonomous Region (3).
Nasa 95% nito ang nangyari sa bahay at sa mga lansangan, karamihan ay mga lalaking may aktibong pakikilahok.
Ang mga tukoy na paputok na nagdudulot ng hindi bababa sa pito sa bawat sampung o 73% FWRI, sa pababang pagkakasunud-sunod, ay ang Kwitis, 5-Star*, Boga*, Piccolo*, Whistle Bomb, Pla-Pla*, Luces, Fountain, at Triangle.
Sinabi ng DOH, “Ang mga ilegal na paputok (may marka ng asterisk) ay dapat sisihin para sa apat lamang sa bawat sampung kaso (102, 44%). Mas maraming legal na paputok ang nagdulot ng pinsala.” (ANDI GARCIA)