Advertisers
BASAG ang bungo at lasog ang katawan ng 62-anyos na ginang nang tumalon mula sa ika-17 palapag ng gusali sa isang condominium sa Sta. Cruz, Manila, Huwebes ng hapon, Enero 4.
Kinilala ang biktima sa pangalang Elsa, biyuda, residente ng isang condo sa Felix Huertas Street, Barangay 350, Sta. Cruz.
Sa ulat ng Manila Police District- Homicide Section, 2:35 ng hapon nang impormahan ang kanilang tanggapan sa naturang insidente.
Nauna rito, 12:30 ng hapon, sabay-sabay na kumain ng tanghalian ang ginang kasama ang dalawang anak nito.
Matapos ang pananghalian, nakarinig na lamang ng malakas na kalabog ang isang house keeping ng nasabing condominium at nakita ang nakahandusay na biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman sa dalawa nitong anak na dumaranas ng pagkabalisa at matinding depresyon ang kanilang ina at hindi lamang iisang beses na tinangka nitong magpakamatay. (Jocelyn Domenden)