Advertisers
NATAGPUANG bangkay ang nawawalang 7-anyos na batang babae sa loob ng isang kuweba sa magubat na bahagi ng Barangay Palola, Lucban, Quezon, Linggo ng umaga, Enero 14.
Unang ini-report sa Lucban Police Station ng magulang ng bata na nawawala ang anak na isang Grade 2 student nang hindi ito makauwi Sabado ng gabi sa kanilang tahanan.
Nadiskubre ng tiyo ng biktima ang krimen habang hinahanap nito ang bata sa lugar nang makita ang isang lalaki na kapitbahay ng paslit na may dalang panghukay na lumabas sa kuweba.
Nang makalayo ang lalaki, tinungo ng tiyo ng biktima ang kuweba at doon nakita ang tsinelas ng bata.
Napansin ng tiyuhin ang mga bato na tila inayos ang pagkakalagay at nang kanyang alisin ay tumambad sa ilalim ang bangkay ng pamangkin.
Agad nag-report sa pulisya ang tiyuhin at sa pagsisiyasat ay positibong kinilala ng kanyang ina ang anak.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at inaresto ng 33-anyos na lalaki na kinilalang si Noel Bojilador Diaz.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Lucban Police sa krimen.