Advertisers
SINIBAK na sa serbisyo ang isang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) sa pagkakadawit sa hit-and-run case sa lungsod noong 2022.
Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Benjamin Acorda, Jr., nitong Lunes.
Tinukoy ni Acorda si Lt. Colonel Mark Julio Abong, dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD.
Sinabi ni Acorda, pinirmahan na niya ang dismissal order laban kay Abong noong Disyembre 18, sanhi ng pagkakasangkot sa hit-and-run case sa Anonas St., QC noong Agosto 6, 2022 na ikinasawi ng tricycle driver na si Joel Laroa at pagkasugat ng mga pasahero nito.
Noong Nobyembre 26, inaresto ng mga pulis si Abong nang ireklamo sa pagpapaputok ng baril sa isang bar sa Quezon City.
Ipinatupad ito nang ibasura ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at National Police Commission (NAPOLCOM) ang apela ni Abong kaugnay ng naturang hit and run incident na tinangka pang i-cover up.
Matatandaang kinansela na ng PNP Explosives Office (FEO) ang License To Own and Possess Firearm (LTOPF) at registration ng 3 mga baril ni Abong na pawang expired ang mga lisensya.
Dahil sa dimissal, hindi na matatanggap ni Abong ang kanyang mga benepisyo.(Mark Obleada)