Advertisers
TINATAYANG mahigit sa P400,000 cash at gadgets kasama ang perang para sa TUPAD program ang natangay ng mga magnanakaw mula sa isang babaeng empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Barangay Poblacion Uno, Real, Quezon, Sabado ng madaling araw.
Ayon sa Real police, natutulog sa kanyang kuwarto sa 2nd floor ng kanilang bahay si Rubelyn, 29 anyos, administrative aide ng DENR CENRO Real, nang magising ito dahil sa pagbagsak ng kanyang computer monitor na nasa tabi ng bintana.
Ganun na lamang ang gulat nito nag makita ang kanyang dalawang backpack na nakapatong na sa bintana.
Wala na ang laman nito na P119,000.00 na sarili niyang pera at ang cash na P270,720.00 na pag-aari ng DENR CENRO Real para sa kanilang TUPAD program.
Kasama ring natangay ng mga magnanakaw ang 3 cellphone at isang tablet.
Nasa P436,720.00 ang kabuuang halaga ng natangay ng mga kawatan, na sinira ang jalousie window para masungkit ng mahabang sanga ng kahoy ang dalawang backpacks.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga salarin.