Advertisers
PATAY ang tatlong indibidwal nang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki na lumusob sa barangay hall sa Barangay Bahay Pare, Meycauayan, Bulacan, Sabado ng gabi, Enero 20.
Sa ulat ng Meycauayan Police, pinagbabaril ng mga kalalakihan ang barangay tanod na nagbabantay sa harap ng gate.
Habang rumuronda ang mga pulis, nakarinig sila ng putukan sa barangay hall kaya agad silang nagtungo sa lugar ng pinangyarihan.
Sa kuwento ni Police Captain Jocel Calvario, chief of operations ng Meycauayan Police Station, sa panayam ng ABSCBN, pagdating nila sa lugar ay nakita nila ang dalawang armadong lalaki sa gate ng barangay hall at nagkaroon ng palitan ng putok.
“Palabas ng barangay at pinuputukan pa ‘yung barangay hall. Noong paalis na sila, nagkita na kami so gumanti na kami ng putok,” pagbabahagi ni Calvario.
Nagtangka pang tumakas ang dalawang armado pero napatay ito ng mga pulis.
Sugatan sa barilan ng mga pulis at mga armado lalaki ang isang bystander sa lugar.
Nakarekober ang pulisya ng dalawang caliber .45 at 16 basyo ng bala sa pinangyarihan.
“Mayroon na kaming inisyal na motibo pero sa ngayon ay hindi pa namin puwede sabihin dahil nagko-conduct pa kami ng imbestigasyon,” anang imbestigador na si Cpl. Siobal.
“Dalawa lang talaga ang suspek na nakita ng ating first responder na bumabaril doon sa pinangyarihan,” dagdag pa niya.