Advertisers

Advertisers

Biktima nagbayad ng P100m, itinago sa Taguig PNP? ‘KIDNAP FOR RANSOM’ COMPLAINTS REREPASUHIN NG DOJ – REMULLA

0 52

Advertisers

TINIYAK ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pag-aaralan ng kanyang tanggapan ang merito ng mga kasong ‘kidnap for ransom’ (KFR) na nakasampa sa kanyang tanggapan kabilang na ang isang reklamo na idinulog sa DOJ halos 6 buwan na ang nakaraan.

“Why don’t you give me the details and I will ask Assistant Secretary Clavano to look into this, okay,” ani Remulla nang matanong ng media sa press conference patungkol kay DOJ spokesman at assistant secretary, Atty. Mico Clavano.

Ito ang naging tugon ng kalihim matapos malaman na “tahimik” na sinusundan ng Fil-Chinese community ang reklamo dahil mayroon pa umanong ibang nabiktima sa kanilang hanay ang nasasakdal.



Sa mga dokumento, isinampa ng umano’y kidnap victim na si alias “Eric” ang reklamo noon pang Hulyo 7, 2023 at may tracking number NPS-XVI-NPS-23G-00297.

Sa kanyang salaysay, papalubog na ang araw noong Agosto 19, 2022 nang dumating ang mga armadong kalalakihan habang nagbabakasyon siya isang beach resort sa Batangas kasama ang kanyang drayber.

Ang insidente ay isa sa mga unang kaso ng kidnap for ransom sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na naupong presidente Hunyo 2022, sakaling mapatunayan sa korte.

Sa salaysay pa ni Eric, sapilitan umano silang isinama ng grupo palayo sa beach resort gamit ang kanyang luxury van. Sa loob ng sasakyan, makailang beses umano silang sinaktan ng mga kidnapper kasabay ng paghingi sa kanya ng P4 milyon kapalit ng kanyang kalayaan.

Matapos aniyang magkasundo sila sa payoff na P2 milyon, nabulilyaso ang transaksyon nang hindi masunod ng kanyang mga tauhan na tinawagan niya sa telepono hinggil sa delivery ng pera sa isang lugar sa Laguna.



Sa kalaunan, sa isang presinto ng Philippine National Police sa Taguig City umano sila dinala ng mga kidnapper at dito lang niya nalaman na ang mga tumangay sa kanila ay mga kagawad ng PNP.

Sa nasabing himpilan narin umano nalaman ni Eric na ang nasa likod ng kanyang problema ay ang kanyang business partner sa operasyon ng online gaming (POGO) na si “Linjin” na kilala rin sa tawag na “RL” sa Fil-Chinese community.

Sa kanilang usapan sa telepono, hiningan umano siya ni Linjin/RL ng P100 milyon upang hindi mapatay sa loob mismo ng PNP station at madamay pati ang kanyang pamilya.

“They kept repeating to me the same line of demand: If I give one hundred million pesos, I can go free immediately. If not, they will see to it that I will be killed inside this prison,” ayon pa sa bahagi ng reklamo.

Sa kalaunan, nagawan ng paraan ng kanyang kapatid na si “Tony” na makalap ang P100 milyon mula sa kanilang mga kaibigan. Ibinigay narin umano ni Eric kay RL ang lahat ng kanyang company shares sa kanilang POGO business at laman ng kanyang safety deposit box kapalit ng kanyang buhay at kalayaan.

Mismong ang Pinoy driver umano ni Tony ang nagdala ng nasabing halaga sa bahay ni RL sa Ayala, Alabang noong Setyembre 7, 2022.

Ganap namang nakalaya si Eric sa pagkakulong na inabot ng 25 araw pagkaraan ng isang linggo, Setyembre 14, 2022, kungsaan hiningan pa umano siya ng P300,000.00 ng mga pulis para sa kanyang “accommodation” sa loob ng presinto bago siya tuluyang pinakawalan.

Umabot ng halos isang taon bago naka-recover si Eric sa kanyang trauma at magkalakas ng loob magsampa ng pormal na reklamo sa DOJ.

Ito ay matapos tiyakin ng kanyang mga abogado na magkakaroon siya ng hustisya sa ilalim ng administrasyong Marcos.