Advertisers
HINILING ni Senator Lito Lapid sa mga kapwa senador na pag-aralang mabuti ang isinusulong na economic charter change (Cha-cha).
Ayon kay Lapid, ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay hindi maituturing na isang simpleng bagay at napakaraming katanungan tungkol dito ang dapat munang sagutin.
Ilan sa mga tanong aniya ay kung kailangan na ba talagang amyendahan ang Konstitusyon, alin ang dapat baguhin at kung sa papaanong paraan ito gagawin.
Sinabi pa ng senador na maraming panig ang kailangang mapakinggan sa Cha-cha at mahalagang malaman ay kung para kanino ang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Sa kabilang banda ay tiniyak ni Lapid na nakahanda naman ang mataas na kapulungan na pagusapan ang mga panukalang amyenda sa Konstitusyon at tiwala silang mga senador na sa kamay ni Senate President Juan Miguel Zubiri ay magiging makabuluhan ang pagaaral ng saligang batas kung saan interes at kapakanan ng taumbayan ang isasaalang-alang.
***
Samantala balik-sesyon na ang Senado matapos ang higit isang buwan na session break.
Agad na aatupagin ng mga senador ngayong pagbabalik-sesyon ang debate para sa isinusulong na kontrobersyal na Charter Change (Cha-cha).
Nito lamang nakaraang linggo ay inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Resolution of Both Houses No. 6 kung saan inaamyendahan ang ilang economic provisions ng konstitusyon.
Magkagayunman, ikinalungkot naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na charter change agad ang tatalakayin ng mga senador sa pagbabalik-sesyon na wala naman sa radar ng Senado noong nakaraang taon.
Aniya, ang dapat na iprayoridad ay ang military and uniformed personnel pension fund at maritime zones law at hindi ang Cha-cha.
***
Suhestiyon at reaksyon tumawag sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email sa balyador69@gmail.com