Advertisers
MULING nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi kinikilala ng pamahalaan ang jurisdiction ng International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Sa isang ambush interview, matapos dumalo sa paglulunsad ng Lung Transplant Program sa Quezon City, sinabi ni PBBM na ang ginagawa ng ICC ay maituturing na banta sa soberenya ng bansa.
Binigyang diin ng Pangulo na hindi kailanman makikipagpulong ang Philippine government sa imbestigasyon ng korte hinggil sa ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon.
Malaya aniyang pumasok sa bansa ang mga taga-ICC bilang ordinaryong bisita pero hindi ito papayagang magtanong o mag-imbestiga sa pulisya, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Iginiit pa ng Presidente na malinaw ang posisyon ng Pilipinas na walang jurisdiction dito ang ICC kaya’t wala rin itong maaasahang kooperasyon mula sa gobyerno.
Ang pahayag ng Pangulo ay sagot sa naging hamon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na dapat magpakalalaki, magsalita ang punong ehekutibo hinggil sa tayo ng Pilipinas sa pagpasok ng ICC sa bansa.
Si Dela Rosa ang PNP Chief ni ex-President Rody Duterte nang ipatupad ang war on drugs, kungsaan ayon sa human rights groups ay mahigit 30,000 ang nasawi pero sa datus ng PNP ay higit 5,000 lamang ang biktima. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)