Advertisers

Advertisers

PRINSIPAL PATAY SA AMBUSH!

0 10

Advertisers

NASAWI ang principal ng isang paaralan sa Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur nang tambangan nitong Lunes, January 22, 2024.



Kinilala ang biktima na si Mamadatu Dalandas, taga-Barangay Papakan, Sultan Sa Barongis, at principal ng Datu Tecson Elementary School.

Sa ulat, ito ang pangalawang school official sa naturang bayan na nasawi sa pananambang sa loob lang ng dalawang buwan

Sakay ng kanyang motorsiklo si Dalandas nang tambangan ng mga armadong kalalakihan sa isang bahagi ng highway sa Barangay Manungkaling, Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Sa ulat nitong Martes ni Mamasapano Police chief Lt. Lou Christian Villones kay Brigadier General Allan Nobleza, direktor ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, patungo ng Mamasapano Elementary School si Dalandas nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin.

Unang napatay sa ambush ang school principal na si Hermielex Kapusan ng Tukanakuden Elementary School sa Barangay Tukanakuden, Sultan sa Barongis nang tambangan habang sakay ng motorsiklo pauwi sa kanila sa Lambayong, Sultan Kudarat.

Kinondena ng Sultan sa Barongis LGU ang pagpatay kay Dalandas, na anila isang masipag at tapat sa serbisyo bilang guro na may malaking ambag sa iba’t ibang parangal na naabot ng kanilang paaralan.

May direktiba na si Nobleza sa Maguindanao del Sur Provincial Police Office na imbestigahan ng malalim ang magkasunod na pag-ambush sa dalawang principals ng mga paaralan sa Sultan sa Barongis.