Advertisers
TODAS sa engkwentro ang most wanted person ng Police Regional Office 5 (PRO5) habang sinisilbihan ito ng warrant of arrest sa Barangay San Martin de Porres, Parañaque City, Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay Brigadier General Andre Dizon, Regional Director ng PRO 5, sangkot sa patong-patong na kaso ang lider ng Concepcion Criminal Gang na si Gilbert Concepcion, kabilang na ang gun-for-hire, extortion, killings, robbery sa Albay, Camarines Sur at mga karatig-lugar.
“Napaka-notorious na niyan ni Gilbert (Concepcion), nangre-rape ‘yan ng mga menor de edad, ng kung sino ang makursunadahan niya at ng kanyang grupo,” ani Dizon.
Nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na sa isang bahay sa Sitio de Asis sa nasabing barangay namamalagi si Concepcion.
Nauwi sa engkwentro ang paghahain ng warrant of arrest nang magpaputok sa mga pulis si Concepcion.
Napatay din ang kasama ni Concepcion na isang lalaki na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
“Nung magse-serve na po ng warrant, pinaputukan na sila nito, nina Gilbert Concepcion at nung isa niyang kasama,” ani Dizon.
“Dangerous na po ito dati dahil may naunang mga engkwentro na po dito sa Bicol so sadyang hindi na po ito siguro magpapahuli ng buhay,” sabi ng opisyal.
Posibleng mabuwag ang grupo ni Concepcion, ayon sa pulisya. (Gaynor Bonilla/Mark Obleada)