Advertisers
Noong Pebrero 12, 2018, isang makabuluhang marka sa pangangalaga sa kalusugan ang pinasimulan matapos pasinayaan ang unang Malasakit Center sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) sa Cebu City.
Pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go na noon ay Special Assistant to the President, ang Malasakit ay isang one-stop shop na nagpabilis sa access sa healthcare services sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa iisang bubong.
Iniakda at inisponsoran ni Go ang Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Hanggang ngayon, tinitiyak ni Go, bilang chairperson ng Senate committee on health, na ang mga serbisyo sa Malasakit Centers ay patuloy na naibibigay alinsunod sa batas.
Anim na taon simula nang maitatag, mayroon nang 150 operartional Malasakit Centers sa buong bansa at humigit-kumulang 10 milyong Pilipino ang natulungan na nito.
Si Yazumi, isang batang pasyente mula sa Caloocan City na sumailalim sa liver transplant, ay nagpapatunay na mahalaga ang pagtutulungan ng gobyerno at mga institusyon sa pagpapagaan ng pasanin ng mga Pilipinong nasa kagipitan.
Sa edad na 4 buwan, na-diagnose si Yazumi na may biliary atresia at matapos ang kanyang liver transplant procedure noong 2017, nagpatuloy ang Malasakit Center sa pagbibigay ng tulong at suporta, kabilang ang mga gamot para tuluyang gumaling si Yazumi.
Ibinahagi rin ni Roselyn Vente, isang ina mula sa Tagbilaran City, ang hinarap na pagsubok para sa kanyang 2-anyos anak na babaeng si Margaret Vente na na-diagnose na may ventricular septal defect, isang malubhang kondisyon sa puso.
Ang suporta mula sa Malasakit Centers ang nagpagaan sa emosyonal at pinansyal na pasanin ng kalagayan ng kanyang anak.
Nakatanggap din ng katulad na tulong ang kambal na Divine at Mercy Cerillo mulang Vinzons, Camarines Norte na isinilang na magkadikit ang dibdib. Ang kambal ay naharap sa katakot-takot na pagsubok sa kanilang kaligtasan.
Sa tulong ni Sen. Go at ng mga programang ibinigay ng Malasakit Center, dinala sila sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila noong 2019 para sa isang complex separation surgery. Nagtagumpay ang operasyon at nadagdag ang kuwento nina Divine at Mercy sa listahan ng mga tagumpay ng Malasakit Center. Tumayo pa bilang ninong sa binyag ng kambal si Sen. Go.
Ang inisyatiba ng Malasakit Center ay napatunayang ding isang mahalagang linya ng buhay para kay Mohammad Abdelrashid Juhuri, 29 anyos na guro mula sa Maimbung, Sulu, matapos sumailalim sa life-saving heart surgery.
Na-diagnose na may congenital heart disease noong 2017, hinarap ni Mohammad hindi lamang ang katakot-takot na hamon sa medisina kundi pati na ang pinansiyal na pasanin ng kinakailangang operasyon. Naging punto ng pag-asa ang kanyang paglapit sa Malasakit Center sa Philippine Heart Center sa Quezon City kung saan siya binigyan ng tulong pinansyal para sa operasyon.
Ganito rin ang kuwento ng pag-asa ni Regiene Cayabyab at ng anak na si Brent Raven mula sa Caloocan City. Si Brent ay na-diagnose na may retinoblastoma at sa tulong ng Malasakit Center ay naipagamot siya.
Ang tulong na ipinagkakaloob ng Malasakit Centers sa gitna ng mga krisis ay nagpapakita ng mahalagang papel nito sa health care system sa bansa. Higit sa tulong- pinansyal, kakaibang pakiramdam ang naibibigay nito sa mga mamamayang Pilipino na natulungan, lalo sa mahihirap na wala halos makapitan.
Kinikilala bilang ama ng Malasakit Centers dahil sa walang sawang paglilingkod sa mahihirap, lubos na pinasalamatan ni Go ang lahat ng stakeholders sa pangako na gawing accessible ang pangangalagang pangkalusugan sa bawat Pilipino.
“Ang mga kwentong ito ng pag-asa, katatagan, at pagbangon ay sumasalamin sa kakanyahan ng ating naisip nang ilunsad natin ang Malasakit Centers,” ani Go.
Ipinagdiriwang ang ika-6 anibersaryo, ang Malasakit Centers ay simbolo ng pag-asa at naglalaman ng tunay na kahulugan ng ‘malasakit’.