Advertisers
Arestado ang dalawang miyembro ng Concepcion Criminal Group na sangkot sa pagpatay sa dalawang negosyante sa Libon, Albay noong nakaraang taon.
Ayon kay Police Col. Ariel Red, hepe ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group-Regional Field Unit 5, kinilala ang mga suspek na sina Vilma, 36; at asawa nitong si Jeofry Mari, 49, ng Barangay Maramba, Oas, Albay, at ikinokonsiderang most wanted persons ng Bicol.
Si Vilma, na isang canteen helper, naaresto sa Barangay Sillas, Imus City, Cavite, habang naaresto si Jeofry habang naka-duty bilang gwardya sa Barangay Dagang, Paracale, Camarines Norte.
Inaresto ang mag-asawa sa bisa ng arrest warrants na may petsang Enero 18, 2024 para sa two counts ng kidnapping na may murder na inisyu ni Ligao City, Albay Regional Trial Court Branch 14 Presiding Judge Edwin C. Maalat.
Walang inirerekomendang piyansa sa dalawa.
Ani Red, kabilang ang mag-asawa sa mga suspek sa pagpatay sa magkapatid na negosyanteng sina Gilbert at Glen Quimzon ng Daraga, Albay.
Inilibing ang mga biktima sa bakanteng lote at nadiskubre lamang ng mga awtoridad nang ituro ng mga nakasaksi ang pinaglibingan.
Noong Pebrero 7, naglabas ng executive order si Libon Mayor Wilfredo Maronilla sa pag-aalok ng reward sa makapagbibigay ng impormasyon sa pag-aresto sa mga suspek.