Advertisers
Inamin mismo ng isang lalaki na pinaslang at itinapon niya sa damuhan ang kaniyang live-in partner dahil sa matinding selos sa Binangonan, Rizal.
Noong Martes, Pebrero 13, nakitang wala nang buhay sa damuhan sa Binangonan ang 31-anyos na biktimang si Janiclear Cahilig. Nang araw din iyon nagbanta pa umano ang live-in partner niyang si Roceller Lanon at nanawagang lumantad na ang may gawa sa krimen.
Samantala, biglang kinumpisal umano ni Lanon na siya ang tunay na pumaslang sa kaniyang live-in partner.
Ayon kay Lanon, matinding selos sa katrabaho ni Cahilig ang naging dahilan kung bakit nagawa niya umano ang naturang krimen.
Base umano sa imbestigasyon ng mga pulis, lumabas na nagkaroon ng sagutan ang dalawa sa kanilang bahay na nauwi sa pisikal na pananakit ng suspek.
Isinalaysay naman mismo ni Lanon na pinalo niya sa ulo ang kaniyang ka-live in gamit ang bote ng softdrinks na nakita niya sa ilalim ng kanilang mesa, saka raw niya ito sinakal at itinapon sa damuhan.
Samantala, inihayag ng mga kaanak ni Cahilig na una pa lamang ay duda na sila sa kaniyang ka-live in, at desidido raw silang ipakulong ito.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Lanon at nahaharap ngayon sa kasong murder.