Advertisers
DEAD ON-THE-SPOT ang isang trabahador ng South Luzon Expressway nang pagbabarilin ng nakaalitang security ng Calamba Premiere International Park (CPIP) habang nagpapahinga sa damuhang bahagi sa loob ng expressway Sabado ng hapon sa Barangay Batino, Calamba City, Laguna.
Ang biktima ay kinilalang si Ronald Santillan, 32 anyos, welder ng Archen Construction Group at residente ng Purok Uno, Kaunlaran, Barangay Sta Elena, Sto. Tomas City, Batangas; habang ang mga salarin ay nakilala lamang sa alyas na “Demetrio”, Officer in Charge ng Hunter Security Agency, at residente ng Barangay San Pedro, Sto. Tomas City, Batangas; at ang tauhan niyang si alyas “Jun”, 32, security, at tubong Ginubatan, Albay at kasalukuyang residente sa Calamba City.
Sa kuha ng video sa mobile phone ng biktima, kasalukuyan nagpapahinga ang magkapatid na Ronald at Robert kasama ang ilan nilang katrabaho sa loob ng South Luzon Expressway malapit sa tabi ng binabanta-yang lugar ng mga salarin, nang sitahin sila ng mga ito at pinapaalis, na nauwi sa pagtatalo ng magkabilang panig. Dito ay umalis si Demetrio at makalipas ang ilan sandali ay bumalik ito na may bitbit na baril at pinaputokan ng sunod sunod si Ronald.
Mabilis naman tumakas si Demetrio dala ang baril na ginamit sa krimen, dumaan sa main gate ng CPIP, habang kaagad namang inaresto ng mga rumespondeng pulis ng Calamba City Police Station ang naiwang si Jun.
Tinutugis na ng pulusya ang gunman. (KOI LAURA)