Advertisers
NASAGIP ang anim na indibidwal sa tumaob na motorbanca sa Pangutaran Island, Sulu, ayon sa Philippine Navy nitong Lunes.
Noong Sabado, binabaybay ng motorbanca Lorens mula bayan ng Mapun, Tawi-tawi patungong Zamboanga City nang tumaob ito dahil sa malakas na alon, ayon kay Rear Admiral Donn Anthony Miraflor, commander ng Naval Forces Western Mindanao.
Sinagip naman ito ng Panama-flagged bulk carrier M/V Navios Lumen, na naglalayag din sa nasabing karagatan patungo sa sunod nitong port of call sa Australia.
Ipinagbigay-alam naman ng mga tauhan ng MV Navios Lumen ang insidente sa Littoral Monitoring Station (LMS) ng Pilas Island sa Basilan, na nag-ulat nito sa LMS sa Bongao, Tawi-tawi.
Nang mapag-alaman ito, nagtungo ang naval vessel BRP Jose Loor Sr (PC390) sa Sibutu Passage, Tawi-Tawi at agad na inilipat ang distressed passengers.
“We are glad that the boatmen were safe and in good condition after the bulk carrier found them and handed them over to us,” ani Miraflor.