Advertisers
NASAWI ang isang call center agent at isang college student sa sunog sa isang boarding house sa Barangay San Nicolas, La Paz District, Iloilo City, Linggo ng hapon.
Kinilala ng Bureau of Fire Protection-Iloilo City ang mga nasawi na sina Lynrose Sobretodo, 26 anyos, call center agent, taga-Pototan, Iloilo; at Renz Aguilar, 21, college student, ng Concepcion, Iloilo.
Sa inisyal na ulat ng BFP-Iloilo City, hindi nakaalis ang mga biktima sa ikatlong palapag ng boarding house.
Natutulog ang mga biktima nang magliyab ang lugar at hindi na nagawang makalabas dahil sa bilis ng pagkalat ng sunog.
Tumagal ang sunog ng mahigit isang oras at nadiskubre ang kanilang mga labi sa clearing operations.
Anang Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office, tinupok ng sunog ang limang kabahayan habang napinsala ang dalawa pa.
Apektado sa sunog ang 150 indibidwal, karamihan ay boarders, na nagrerenta ng kwarto malapit sa dalawang state universities at dalawang private colleges. (Mark Obleada)