Advertisers
ITINUTURING ngayong “persons of interest” ang tatlong pulis sa “robbery” sa bahay ng isang Indonesian national sa Kawit, Cavite kamakailan.
Ayon kay Lt. Colonel Richard Corpuz, hepe ng Kawit Police, isang special investigation task group ang binuo para hawakan ang imbestigasyon at ang kaso ay nasa regional level na. Tumanggi pa siyang ibunyag ang mahahalagang detalye kabilang ang pagkakakilanlan ng tatlong pulis na umano’y sangkot sa robbery habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Ayon sa source, tatlong pulis ang kabilang sa pitong armadong lalaki na nanloob sa bahay ng Indonesian na si Fendy Apriyanto, 29, supervisor ng POGO, sa Barangay Magdalo-Potol, Kawit, Feb. 13 ng hapon.
Sinabi ng source na pagkatapos ng backtracking investigation na isinagawa ng mga imbestigador sa tulong ng video footages ng CCTV camera sa lugar, natukoy ang “get-away car” na ginamit ng mga suspek sa pagnanakaw at ang pangalan ng rehistradong may-ari ng sasakyan, na nagresulta sa breakthrough ng kaso.
Nabatid na isa sa tatlong pulis ang humiram ng get-away vehicle sa may-ari ng sasakyan.
Sinibak na sa puwesto ang tatlong pulis na sumasailalim ngayon sa imbestigasyon, habang ang isa sa kanila ay nasa kustodiya ng Regional Police headquarters sa Camp Vicente Lim, Laguna.
Magugunita na pinasok ng pitong hinihinalang miyembro ng “Akyat-Bahay Gang” ang bahay ng Indonesian national at iginapos kasama ang kanyang mga kasambahay at driver bago nilimas ang kanyang mga mahahalagang gamit at pera sa Brgy. Magdalo-Potol, Kawit noong Pebrero 13.