Advertisers
OBLIGADO ang Pilipinas na ipatupad ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulo Rody “Digong” Duterte kung sakali man.
Ito ang iginiit ni Bayan Muna Chair Neri Colmenares kaugnay ng kinakaharap ni Duterte na kasong ‘Crimes against humanity’ sa ICC.
Say ni Colmenares, isa ring mahusay na abogado, kailangan din ng korte na makipag-cooperate sa imbestigasyon.
Inulit ni Colmenares ang mga bagay o isyu ng effectivity ng pagwidro ng Pilipinas sa ICC sa ilalim ng 2002 Rome Statute.
Aniya, si Atty. Jude Sabio ay nakapag-file ng kaso tungkol sa dru war laban kay Duterte noon pang 2017, at ang pamilya ng mga biktima ay nag-file din ng kaso noong 2018.
Nag-epekto ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC Marso 17, 2019. Kaya malinaw na may kapangyarihan pa nga ang ICC para i-prosecute si Duterte at kanyang mga kasabwat sa war on drugs, na ayon sa human rights group ay higit 36,000 ang pinaslang pero ayon sa datus ng Philippine National Police higit 6,000 lang naging biktima.
Alam ng abogado ni Duterte na si Harry Roque, dati niyang presidential spokesman at isang international lawyer, na tumpak si Colmenares sa mga sinabi nito sa kapangyarihan ng ICC. Kaya nga hinihiling niya kay Pangulo “Bongbong” Marcos na opisyal na magpalabas ng kautusan sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na huwag makipag-ugnayan sa mga imbestigasyon ng ICC at ‘wag ipatupad ang arrest warrant ng foreign court.
Hanggang salita lang kasi ang paulit-ulit na sinasabi ni PBBM na huwag makipag-coordinate sa ICC, at sinabi pa niyang maaring maglabas-pasok ang mga taga-ICC sa Pilipinas bilang bisita o turista pero hindi welcome para makipag-ugnayan sa gobyerno sa pag-imbestiga sa extrajudicial killings.
Hindi kumbinsido sina Duterte at Roque sa mga statement na ito ni PBBM laban sa ICC. Gusto nila naka-print at pirmado ni PBBM ang order against ICC, bagay na hindi naman magawa ng Pangulo. Alam na! Hehehe…
***
Ipapadampot ng Senado si Pastor Apollo Quiboloy, ang founder ng ‘Kingdom of Jesus Christ’, kapag hindi pa ito sumipot sa sunod na pagdinig sa mga reklamong pang-aabuso ng mga dati niyang trabahador.
“Our next hearing is on March 5 and if Mr. Quiboloy does not show up, I will cite him in contempt and have him arrested,” diin ni Senador Risa Hontiveros, ang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality.
Ganito rin ang statement ng mga kongresista na nag-subpoena kay Quiboloy kaugnay naman ng mga paglabag sa franchise ng kanyang Sonshine Media Network International (SMNI).
Tiniyak ng mga kongresista na ipapaaresto nila si Quiboloy kapag hindi pa sila sinipot sa sunod na pagdinig.
May nagsabi na si Quiboloy ay lumipad na sa China para takasan ang naturang mga imbestigasyon ng Kongreso.
Si Quiboloy ay wanted sa FBI sa Estados Unidos sa kasong pang-aabuso sa kababaihang mga dati niyang niyang miyembro sa KOJC.