Advertisers

Advertisers

PINAKA-APEKTADO NG EL NIÑO AAYUDAHAN NG PAMAHALAAN

0 8

Advertisers

MAAARING magbigay ng alternatibong livelihood assistance ang gobyerno para sa mga magsasakang may “irrecoverable” o hindi na makaka-recover na sakahan dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni Task Force El Niño spokesperson at Presidential Communications Assistant Secretary Joey Villarama na handa ang pamahalaan na magbigay ng agarang tulong sa mga magsasaka na pinakamatinding apektado ng tagtuyot.

Aniya, tatanggap din ng tulong pinansiyal mula sa pamahalaan ang mga pinaka-apektadong magsasaka.



Binigyang-diin ni Villarama na hindi magpapa-kampante ang gobyerno sa harap ng banta ng El Niño at gagamit ito siyentipikong pamamaraan upang tiyakin na may sapat na suplay ng tubig, enerhiya, at pagkain ang bansa.

Tinukoy din ni Villarama ang kahalagahan ng pagsubaybay sa mga nakatatanda at kabataan na maaaring magkaroon ng heat stroke at mga sakit sa balat dahil sa matinding init.

Ayon sa opisyal, 12 sa 41 probinsya na apektado ng El Niño ay kasalukuyan nang nakakaranas ng tagtuyot, 10 ang nasa ilalim ng dry spell, at 17 ang may dry conditions.

Matatandaang binuhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Task Force El Niño sa pamamagitan ng Executive Order No. 53 noong Enero 19.

Sa ilalim ng EO, inatasan ng presidente ang task force gumawa ng kumprehensibong plano para sa paghahanda at rehabilitasyon sa pagtama ng El Niño at La Niña. (Gilbert Perdez)