Advertisers
MULING binati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Indonesian presumptive president Prabowo Subianto dahil sa pangunguna nito sa presidential elections sa kanilang bansa.
Sa kanilang pag-uusap sa telepono nitong Huwebes, Pebrero 22, parehong nangako sina PBBM at Prabowo na mas palalakasin pa ang bilateral na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.
Pinagtibay ng pangulo na maraming pagkakapareho ang dalawang sa loob ng mahigit na 70 taon ng diplomatikong ugnayan na opisyal na nabuo noong November 24, 1949.
Aniya, handa ang Pilipinas na makipagtulungan sa Indonesia lalo na sa usapin ng energy transition, green metals at energy production, at idinagdag na may ilang mga kumpanyang Indonesian na naglagak na ng negosyo sa bansa.
Umaasa rin si Marcos na ipagpapatuloy ni Prabowo ang ugnayang nabuo ng kanyang administrasyon at ng liderato ni outgoing Indonesian President Joko Widodo.
Sa kanyang panig, sinabi ni Prabowo kay Pangulong Marcos na mas paiigtingin niya ang mayamang ugnayan ng magkabilang panig habang umaasa rin itong makakaharap niya nang personal si PBBM. (Gilbert Perdez)