Advertisers
MISTULANG mga paralisado ang mga namumuno sa Oriental Mindoro sa matagal nang suliranin kaugnay sa iligal na sugal.
Ito ay kahit sandamukal na ang reklamo na nakararating sa BALYADOR, ay wala pa ring aksyon na ginagawa dito sina Provincial Director PCOL SAMUEL DELORINO at Police Regional Office MIMAROPA PBGEN ROGER QUESADA laban sa hi-tech jueteng sa sinasabing lalawigan.
Ayon sa reklamo, ‘malamya’ ang PNP officials tumugon sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na sugal.
Sinabi ng source na malabo at walang kasiguraduhan na mapahihinto ng mga nabanggit na opisyal ang untouchable na operasyon ng sugal sa kabila ng panawagan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sugpuin ang ilegal na sugal sa Oriental Mindoro, partikular ang jueteng na front ang Small Town Lottery o STL.
Matatandaan ang memorandum na inisyu ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Abril 22, 2022, kung saan inatasan dito ang local government units (LGUs) na ipahinto ang operasyon ng jueteng pero imbes na tugunan at makiisa ay mismong maimpluwensiyang pulitiko ang kumuha ng diumanoy prangkisa para magkaroon sila ng malaking kita.
Pati nga raw ang national project ng Office of the President na Small Town Lottery sa PCSO ay pinanghihimasukan na rin ng maimpluwensyang politiko kung saan ipinangangalandakan pa na malakas sila kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kay First Lady Liza Araneta Marcos.
Ayon sa source, kaya umanong pasunurin si PCSO General Manager Melquiades Robles sa kagustuhan nang maimpluwensyang LGU ang pangingialam nito sa Franchise ng STL, maging ang pangha-harass niya sa STL operator kung saan inutusan pa diumano ang PCSO GM na palitan ang STL sa Oriental Mindoro.
Ang masaklap dito, naging hi-tech jueteng pa umano ang operasyon sa Oriental Mindoro na ang tayaan GCash at GCash din ang bayaran ng patama na ang resulta ay ipinadadala sa pamamagitan ng Facebook messenger.
Sinabi din ng source, na ang maimpluwensiyang LGU ang diumano’y nangangasiwa sa ‘’jueteng corporation’’ sa Oriental Mindoro na may direktang koneksyon diumano sa Malacañang at sa Camp Crame.
Bunga nito, dapat paimbestigahan ni DILG Secretary Benhur Abalos ang hindi mapatigil na jueteng, na sinasabing kakambal ng sugal ang iligal na droga na malala na sa nasabing lalawigan.
Bakit ko nga pala nasabing hi-tech ang jueteng sa Oriental Mindoro, kasi nga lahat ng kubrador, kabo at mananaya ng jueteng ay may mga sariling apps sa kanilang cellphone at doon din mismo ipinadadala ang kanilang taya.
Kahit sa mga patama ay ‘paper less transaction’ na rin dahil ipinadadala sa GCash at PayMaya ang bayaran.
Lahat ng kabo, kubrador at table manager ay naka-unli load para nga naman sa oras ng tayaan, bayaran at ingreso ay hindi sila mauubusan ng pondo.
Totoong mahirap itong hulihin ng mga awtoridad pero wala naman sigurong kokontra sa matagal nang kasabihan na: ‘Kapag gusto ay may paraan, at kapag ayaw ay maraming dahilan.’
Kung tutuusin, challenging ang mga impormasyong ganito para kay Secretary Abalos dahil kahit anong lalim ng sindikato – hi-tech man sila o ano pang kakaibang diskarte at pamamaraan – tungkulin, trabaho at obligasyon ng mga awtoridad na sila’y sawatahin.
Habang sinusulat natin ang impormasyon ito ay pilit nating tinatawagan ang telepono nina Col Delorino at General Quesada subalit ring lamang ng ring ito.
Infairness kina Gen. Quesada at Col Delorino, kilala nating matino at mahusay na public servant ang mga ito na iniidolo ng maraming pulis dahil sa mga accomplishment.
Subaybayan natin!
***
Suhestiyon at reaksyon tumawag sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email sa balyador69@gmail.com