Desisyon ni PBBM na pirmahan ang amendments sa Centenarians Act good news sa Maynila – Mayor Honey
Advertisers
SINABI ni Mayor Honey Lacuna na ang desisyon ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na lagdaan ang amendments sa Centenarians Act (Republic Act 11982) ay good news para sa city of Manila, partikular sa senior citizen population.
“Good news ‘yan, dahil ang ating mga minamahal na senior citizens dito sa Lungsod ng Maynila ay kabilang sa mga tatanggap ng P10,000 cash gift mula sa national government pagsapit nila sa edad na 80, 85, 90, at 95 batay sa tagubilin ng bagong batas,” sabi ni Lacuna.
Ayon kay Lacuna, mayroong 180,000 senior citizens sa Maynila base sa records mula sa Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa ilalim ni Elinor Jacinto.
Ayon pa sa alkalde, noon pa lang 2023, ay mayroong ng 23 centenarians na binigyan ng local government ng P100,000 cash gift alinsunod sa sinasaad ng batas.
Mismong ang lady mayor ang nag-deliver ng nasabing halaga sa bahay ng mga centenarians.
Nabatid na ang nasabing cash gift ay hiwalay sa P100,000 na ibinibigay ng national government sa mga centenarians.
Nangangahulugan na ang bawat isang senior resident ng Maynila na umabot sa 100 taon ang edad ay nakatanggap ng P200,000 cash gift.
Ang senior citizens sa Maynila ay tumatanggap din ng monthly financial assistance na P500 bukod pa sa birthday cakes, senior Christmas boxes at monthly allocation ng kanilang maintenance medicines.
Labis na ikinatuwa ni Congressman Joel Chua (3rd district) ang reaksyon ni Lacuna sa paglagda nj President Marcos, Jr. sa nasabing amendments, kasabay nito ay umaasa siya na ang inclusion ng updating ng OSCA database ng records Maynila ay tutugma sa records ng Philippine Statistics Authority, National Commission of Senior Citizens at iba pang concerned national government agencies.
Si Chua, na miyembro din ng House Committee on Economic Affairs, ay nagsabi rin na ang mga residente ng Maynila ay makikinabang sa Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act o Republic Act 11981 na nilagdaan din ni President Marcos.
“Dati nang sentro ng kalakalan at negosyo ang Maynila mula pa noong bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol. Kapag naipatupad nang maayos ng Tatak Pinoy Act, inaasahang mas lalakas pa ang mga produkto at serbisyong Pinoy, lalo na iyong mga itinatapat sa gawa ng ibang bansa, tulad ng electronics, highly-skilled professionals at specialists, artista, manunulat at mga produktong sakahan at pangingisda,” sabi ni Chua. (ANDI GARCIA)