Advertisers
HINDI na talaga makukuha sa “maboteng’ este sa mabuting usapan ang lumalalang sigalot sa pagitan ng Makati at Taguig.
Nitong nakaraang Sabado (Marso 2) kasi ay muling tumaas ang tensyon sa pagitan ng dalawang lungsod matapos tangkaing pasukin at i-takeover ng mga taga Taguig City Hall ang Park and Garden na nasa Barangay West Rembo.
Gaya ng alam na natin, dating sakop ng Makati ang nasabing barangay at siyam na iba pang Embo Baraangay, kaya naman natural lang na patayuan nila ang mga ito ng mga pasilidad na para sa kapakanan ng kanilang mga residente.
Siyempre kasama sa mga ganiyang imprastraktura ang mga paaralan, health center, pagamutan at siyempre ang mga pampublikong parke gaya ng Park and Garden.
Ang problema ay nakialam ang mga tinatawag na Gods of Padre Faura o ang mga hukom diyan sa Korte Suprema at idineklara nila noong 2021, na ang Bonifacio Global City at ang 10 Embo barangay na katabi nito ay sakop ng Taguig.
Kaya simula noon hanggang ngayon ay panay na ang girian ng dalawang lungsod na parehong pinamumunuan ng dalawang babae na ayaw magpatalo sa isat-isa.
Ang katuwiran kasi ni Makati Mayor Abby Binay ay hindi sakop ng desisyon ng SC ang mga pasilidad gaya ng paaralan at mga health center na ipinatayo ng lungsod noong panahon na sila pa ang namamahala sa Embo barangay.
Kaya mahigpit niya itong pinababantayan at hindi pinapayagan ang Taguig na gamitin ang alinman sa mga ito ng walang pahintulot mula sa kaniyang tanggapan.
May mga apela na rin silang ginawa sa SC kaugnay nito pero naiinip na si Taguig Mayor Lani Cayetano kaya naman gusto na niyang kunin ang mga pasilidad na ito kasama ng mga parke para raw mapakinabangan ng tao.
Siyanga pala, habang isinusulat ko ang kolum na ito ay kasalukuyang nasa loob ng nasabing parke ang mga tauhan ng Makati City Hall para pigilan naman ang mga taga Taguig Public Order and Safety Office na pumasok doon.
Kaya ang ginawa ng mga Taguig ay ikinandado ang nasabing parke kaya walang makapapasok at makalalabas doon, na siguradong mas magpapataas ng tensyon sa lugar na maaari pang magresulta sa kaguluhan at karahasan.
Dahil dito ay nananawagan tayo sa mga concerned national government authorities gaya ng Malakanyang o di kaya ay kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Mga boss sana pakialaman na ninyo ito bago pa tuluyang magkaroon ng gulo at sakitan, dahil pag nagkaganoon ay hindi magigiging maganda ang imaheng lilikhain nito para sa administrasyong Marcos.
Kilala natin si Sec. Abalos na mahusay, mahinahon at may kredibilidad na opisyal ng pamahalaan kaya tiyak natin na mapapahupa niya ang mainit na sitwasyong ito.
Tiyak natin na kapag ipinatawag niya at kinausap ang dalawang lady mayor ay mareresolba niya at mapapahupa ang sitwasyon.
Abangan!