Advertisers
INULAN ng reklamo sa Office of the President (OP) si Land Transportation Office (LTO) Region 4A Regional Director Cupido Gerry Asuncion.
Ito’y matapos magsampa ng hiwalay na complaints sa Presidential Action Center (PAC) sa Malacañang ang isang Alfredo Sansoles, chairman ng Mamatid-Alabang Festival Transport Service Cooperative (MAFESTCO), na umano’y kinokotongan din ng tanggapan ni Asuncion.
Sa alegasyon ni Sansoles, binanggit niya na isang Aguido Terena na sinasabing tauhan ni Asuncion ang tumawag sa kanya para mangolekta ng P10,000 kada buwan bilang payola sa kanilang terminal sa Barangay Mamatid, Cabuyao City.
Maging ang isang Mark Patrick Patteño na may terminal sa Cavite ay dumulog din sa tanggapan ng PAC para maghain ng kanyang handwritten complaint kung saan pinaratangan ang kampo ni Cupido na nanghihingi sa kanila ng P1,000 payola kada buwan.
Naghain din ng reklamo ang isang Michelle Sapangila, biyahedor na may rutang Manila to Tacloban City, dahil tinaasan ‘diumano ng LTO Region 4-A ang kanilang payola sa P30,000 bawat unit na binabayaran nila tuwing ika-dalawang buwan.
Maliban dito, nagsumite rin ng complaint ang isang Arturo Dominguez, presidente ng mga van na biyaheng Cavite-Lawton, dahil sa alegasyon ng pangongotong sa kanila ng mga tauhan ni Asuncion ng halagang P1,000 bilang payola per van kada linggo.
Una nang nagreklamo sa PAC sina Federico Callejas ng Celyrosa Transport, Henry Cayao ng Lorna Express, Francis Caballero ng Floralde Liner at Teddy Lising, chairman ng Cavite Batangas Transport Service Cooperative (CBTSC) na nagbunyag na hinihingan umano sila ng opisina ni Cupido ng P25,00 kada buwan.
Isiniwalat din ng mga tsuper at operator na may rutang Naic-PITX, Tagaytay-PITX, Indang-PITX, Alfonso-PITX at Mendez-PITX na kapag may nahuling miyembro ng kanilang grupo ay inoobliga umano silang magbigay ng P50,00 para makausap si Cupido.
Wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Cupido ukol sa mga naturang alegasyon. (Gilbert Perdez)