Advertisers
NAANTALA ang promosyon ng isang opisyal ng Philippine Army (PA) nang harangin ng asawa mismo nito sa Commission on Appointments (CA).
Ibinahagi ni Tessa Luz Reyes-Sevilla ang napakasakit na karanasan sa kaniyang mister na si Ranulfo Sevilla, nominado para sa promo-syon sa brigadier general ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“I think di n’ya deserve maging isang general. Sa aking paniniwala, kung isa kang heneral naiintindihan mo ang responsibility, accountability of the people,” pahayag ni Tessa bago ang pagdinig ng CA.
“No amount of sorry, no amount of money will make me back down. Nothing will make us back down. We deserve to be vindicated,” dagdag pa niya.
Lahad pa ni Tessa, matagal siyang nanahimik at tiniis ang mahabang panahon ang pag-abusong naranasan niya sa kamay ng kaniyang asawang sundalo.
“Hindi ko na po kayang manahimik. Nagtiis na po kami ng matagal. Ang masa-kit doon ay nilulunok na nga namin ‘yung walang sustento eh nakukuha pang mambabae,” dagdag pa niya.
Maliban sa pangangaliwa, nakaranas din umano ng pisikal at mental na pag-abuso ang kaniyang mga anak sa kaniyang asawa.
“Ang nakakasakit sa akin kasi nakikita ng mga bata. Maaaring inosente sigurong tignan na naitulak, hindi sinasadyang itinulak — pero kasi po buntis ako eh. Buntis ako, itinulak po ako. Akala ko makukunan ako kaya nagpa-protection order ako,” naiiyak na sambit ni Tessa.
Ikinuwento rin niya ang ginagawang pambabae ng kaniyang mister at ina-upload pa niya ito sa kaniyang social media.
Dismayado din siya dahil P2,000 lamang ang ibinigay na sustento nito sa kaniyang dalawang anak, ang isa 12-anyos na babae at ang isa 10-anyos na lalaki na may special needs.
“Nilalagay pa nya sa socmed ang mga babae, insulto sa amin, para magmakaawa ako sa kanya, ipamukha sa amin ang 2k. Yung kabit nya, sabi kawawa ka naman 2k abuloy,” ayon kay Tessa.
“Ganun ba ang isang kapita-pitagang gentleman na nag-graduate sa prestihisyosong academy?, hinahayaan nakatira sa loob ng kampo ang kabit?. Kaming mga anak ay nagmamakaawa. Yan ba ang ipo-promote n’yong general?, matagal na kaming naghihirap tinitiis namin,” sambit pa niya.
Nitong Martes, nagsagawa ng executive session ang miyembro ng CA panel on national defense para talakayin ang appointment ni Sevilla. Pagkatapos nito, ipinagpaliban ang kumpirmasyon ni Sevilla.