Advertisers
Nasawi ang tatlong kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at dalawa pa ang malubhang nasugatan nang banggain ng 10-wheeler dump truck ang sinasakyang pick-up truck sa kahabaan ng Diversion Road sa Sitio Baribag, Brgy. Bibincahan, East District, Sorsogon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Julius Del Ayre Herrera, 41-anyos, driver ng Mitsubishi pick-up truck (B4C 169) na pag-aari ng DPWH-Sorsogon, residente ng Brgy. San Juan Roro; Dennis Oliver Labayo Janaban, 31-anyos, DPWH-administration aide, residente ng Brgy. Tugos; at Jonathan Morillo Janer, 41-anyos, engineering aide, residente ng Our Lady’s Village, Brgy. Bibincahan; pawang sa Sorsogon City.
Sugatan namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang dalawa pang admin aide ng DPWH na sina Anthony Nicolas Evaristo, 25-anyos, ng Brgy. San Roque, Bacon District; at Ricky Me Janaban Rodrigo, admin aide, ng Brgy. Peñafrancia, pawang sa Sorsogon City.
Sumuko naman ang driver ng nakabanggang Shackman Dump Truck (NGF-4036) na si Alex Labayo Dichoso, 43-anyos, ng Brgy. Macabog matapos ang trahedya.
Sa ulat, 11:30 ng tanghali nang aksidenteng bumangga ang dump truck sa pick-up truck ng mga biktima.
Sa lakas ng pagkakabangga, parang pinitpit na lata ang kanang bahagi ng sasakyan dahilan ng agarang pagkasawi ng tatlong biktima.
Nahirapan ang mga rumespondeng mga rescue team ng Sorsogon-CDRRMO na makuha mula sa pagkakaipit ang mga biktima sa loob ng nayuping sasakyan.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.