Advertisers
Inaresto ng mga elemento ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang aktibong pulis na nangotong sa isang rider na nasangkot sa insidente ng traffic accident sa Gen. Trias, Cavite.
Kinilala ang inarestong pulis na si Cpl Ahmad Ambil y Mukaran, nakatalaga sa Bacao Police Community Precint General Trias, Cavite.
Ayon kay SSG Virgo Subion, 8:22 ng gabi nang isinagawa ang entrapment operation ng mga elemento ng PNP-IMEG Action Team, Counter Intelligence Division at Special Action Force sa Police Community Precinct General Trias, Cavite.
Inaresto si Ambil nang tanggaping ang halagang P8,000.00 mula sa complainant sa loob ng nasabing PCPC station.
Base sa reklamo ng complainant, 3:00 ng madaling araw noong Mar. 15, 2024, nasangkot umano siya sa isang traffic accident habang binabagtas ang Gen. Trais Cavite sakay ng Mitsukoshi Café Racer 150 motorcycle at dumating ang suspek na si Ambil upang magsagawa ng imbestigasyon.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon, umaktong middleman si Ambil upang ayusin ang kaso ng magkabilang panig.
Nanghingi si Ambil ng P30,000.00 sa complainant para sa pag-aayos ng kaso at nagbigay umano ito ng P11,000.00 sa pamamagitan ng G-Cash kay Ambil noong araw din iyon.
Noong Marso 18, 2024, nagtungo si Ambil sa bahay ng complainant at humihingi ng P8,000.00 at nagbanta na itututloy ang pagsasampa ng kaso laban dito sakaling hindi maibibigay ang nasabing halaga.
Dahil dito, agad naman nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima at nagharap ng reklamo laban sa nasabing pulis at isingawa ang entrapment operation.
Nasa kustodiya ng PNP-IMEG si Ambil at sasampahan ng kasong Robbery/Extortion.(Mark Obleada)