Advertisers
Nasawi ang isang illegal na dealer ng mga assault rifles at arestado ang isang kasabwat sa entrapment operation sa Sultan Kudarat sa Maguindanao del Norte nitong Sabado ng hapon, March 30, 2024.
Sa ulat ng tanggapan ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, naglabas ng baril at nagpaputok si Datun Mastura, 56-anyos, ng mahalatang mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group ang kanilang nabentahan ng dalawang 5.56 M16 assault rifles sa Sitio Mamadra sa Barangay Limbo, Sultan Kudarat kaya nagka-engkwentro na nagresulta sa pagkanatay ni Mastura.
Sugatan sa naturang palitan ng putok ang isang CIDG-BAR agent, si Patrolman Raffy Jacinto, na agad namang naisugod sa pagamutan upang malapatan ng lunas. Na-aresto naman ng mga kasapi ng CIDG-Bangsamoro Autonomous Region na pinamumunuan ni Lt. Col. Ariel Huesca ang kasabwat ni Mastura na si Norodin Sulaiman, nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 na nagbabawal ng pagbebenta ng mga baril at bala at mga pampasabog ng walang pahintulot ng national headquarters ng Philippine National Police.
Ang 33-anyos na si Sulaiman, isang karpintero at mason na contractual construction project worker at kasapi diumano ng Task Force Ittihad ng Moro Islamic Liberation Front, ay kakasuhan din ng Direct Assault of Person in Authority dahil sa kanilang ginawang pamamaril ni Mastura, isang radiology technician sa Sanitarium Hospital ng pamahalaan na nasa bayan din ng Sultan Kudarat, ng mga nag-entrap sa kanilang mga CIDG-BAR agents.
Agad namang pinuri at pinasalamatan ng mga opisyal ng PRO-BAR ang mga operatiba ng CIDG-BAR at mga tumulong sa kanila na mga impormante sa pagsagawa ng entrapment operation na nag-resulta sa pagkakumpiska ng dalawang assault rifles at mga bala mula kina Mastura at Sulaiman na diumano ay may malawak na gunrunning activity sa Maguindanao del Norte at sa lungsod ng Cotabato.