Advertisers
Nasamsam ng aabot sa P7-milyong halaga ng droga nang masakote ang isang drug dealer na kontak ng isang drug lord mula sa loob ng New Bilibid Prison (NBP), sa ikinasang operasyon sa lalawigan ng Bohol nitong Semana Santa.
Kinilala ang nasakoteng suspect na si Nilfa Limbo, 56-anyos, tubong Leyte at naninirahan sa Sucat, Parañaque City.
Bandang 10:00 ng gabi noong Miyerkules Santo nang masakote ang target sa buy-bust operation sa Brgy. Poblacion, Dauis, Bohol.
Ayon sa Bohol Provincial Police Office (BPPO), si Limbo ang nagde-deliver ng illegal na droga sa kontak nitong drug personality sa bayan ng Dauis.
Sa pahayag ng suspect, inutusan umano siya ng kontak niyang drug lord na nakapiit sa NBP sa Muntinlupa City na i-deliver ang nasabing mga epektos.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng suspect ang nasa mahigit isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P7 milyon.
Hindi muna tinukoy ng mga awtoridad kung sino ang drug dealer na paghahatiran ng nasabing droga ng nasakoteng suspect habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.