Advertisers

Advertisers

3 Koreano nakipagbarilan sa parak: 1 todas, 2 huli

0 18

Advertisers

BUMULAGTA ang isang South Korean habang arestado ang dalawa nitong kasama nang makipagpalitan ng putok sa mga pulis nang pasukin at pagnakawan ang kababayan nilang babae ng P25 milyong halaga ng mga alahas, cash at iba pa sa Mabolo, Cebu City noong Martes.

Kinilala ang nasawi na si Sun Young Choi, 47 anyos; habang nasa kustodiya na ng pulisya ang mga kasabwat nitong sina Yong Hee Kim, 45; at Jun Hee Kim, 49, pawang pansamantalang tumutuloy sa hindi tinukoy na hotel sa Cebu City.

Nagresulta rin ang engkwentro sa pagkasugat ng isa sa mga nagrespondeng pulis pero nasa ligtas na itong kalagayan.

Ayon kay Police Major Romeo Caacoy, hepe ng Mabolo Police Station, pinasok ng mga suspek ang bahay ng kanilang kababayan sa isang subdivision sa Barangay Banilad 9:30 ng gabi ng Martes.

Kinuha ng mga suspek ang sari-saring alahas ng biktima na nagkakahalaga ng P25 milyon, P200,000 cash at dalawang relo.

Nakita ng isang empleyado ng subdibisyon ang pagpasok ng mga suspek sa bahay ng biktima kung kaya’t ini-report niya agad ito sa pulisya. Sinikap ng mga awtoridad na pasukuin ang mga suspek pero nagmatigas ang mga ito at pinutukan ang mga pulis, dahilan para paputukan sila ng mga operatiba at nasawi si Choi at pagkasugat ng isang pulis.

Narekober sa mga suspek ang mga ninakaw nila sa biktima at isang baril.

Inaalam na ng pulisya ang background ng mga suspek. Kinasuhan ng robbery, frustrated homicide at illegal possession of firearms ang dalawang nakakulong na suspek.

Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Bureau of Immigration (BI) Korean Consulate at iba pang ahensya hinggil sa insidente.