Advertisers
Nasawi ang 74-anyos na ginang nang pagtatagain ng anak habang natutulog sa kanilang bahay sa Talisay, Batangas. Pinuntirya rin ng suspek ang kaniyang pinsan at dalawa nitong anak.
Sa ulat, natutulog sa sofa ang biktima nang bigla na lang pagtatagain ng salarin nitong Martes ng gabi sa Barangay Aya.
Ayon sa pulisya, matapos pagtatagain ang kaniyang ina, pinuntahan ng 38-anyos na salarin ang kalapit na bahay ng kaniyang pinsan at pinatataga rin ito, kasama ang dalawang anak.
Nang madinig ng mga kapitbahay ang paghingi ng tulong ng mga biktima, pinuntahan nila ang bahay at napilitan nang tumakas ang salarin.
Naaresto naman ng mga awtoridad ang salarin noong Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Police Major Billy John Mactal, hepe ng Talisay Police Statio, wala pang linaw kung bakit ginawa ng salarin ang krimen.
Wala rin umanong nabanggit ang mga biktima kung gumagamit ng ilegal na droga ang salarin.
Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, habang sinisikap pang makuha ang panig ng salarin.