Advertisers
Nanganganib na masibak sa puwesto ang hepe ng Tudela Municipal Police Station (MPS) sa Camotes Island sa Cebu nang makagtakas ang isang preso na dinala sa korte upang mag-hearing noong Martes, Abril 2.
Bagama’t agad din nadakip makalipas ang ilang oras, isang imbestigasyon ang gagawin kung bakit nakatakas ang presong nakilalang si Rodel Maningo, 41, may kasong iligal na droga, ayon kay Police Lt. Col. Gerard Ace Palare, tagapagsalita ng Police Regional Office 7.
“There is an ongoing investigation for possible administrative liability and some things have been found out that need consideration,” pahayag ni Palare.
Napag-alaman na nitong Martes ng umaga, dumalo ng court hearing si Maningo, sa Barangay Poblacion. Danao City.
Habang naghihintay ng hearing, nagdesisyon umano ang dalawang police escort kasama ang suspek na mag-almusal muna sa isang karinderya malapit sa korte.
Matapos kumain, tumayo ang preso at nagpaalam na kukuha lang ng toothpick nang payagan ng bantay mabilis itong kumaripas ng takbo.
Pasado ala-una na ng madaling-araw kinabukasan nang muling madakip ang preso sa bahay ng kanyang kinakasama, na agad pinaimbestigahan ni Tudela MPS chief of police Police Capt. Leovil Singson.
Ayon kay Palare, iimbestigahan din ang nasabing hepe dahil sa command responsibility.