Advertisers
BINIGYANG-DIIN ni Pastor Apollo Quiboloy sa inilabas niyang voice message na hindi siya magpapahuli ng buhay. Naghamon pa ito na barilin nalang siya kung siya’y huhulihin ng mga awtoridad.
Pinabulaanan din ni Quiboloy ang mga kasong inihain laban sa kaniya rito sa Pilipinas at sa Amerika na pawang kasinungalingan lang, aniya.
Gayunpaman, handa raw siyang harapin ang mga kaso sa Pilipinas basta hindi aniya mangingialam ang mga Amerikano.
Inakusahan din ni Quiboloy ang rehimeng Marcos na nakikipagsabwatan sa mga Amerikano. Hawak na raw ng Amerika sa leeg ang Pilipinas.
“Tandaan po ninyo, ako’y mamamatay with honor. Tatayo ako para sa mga ginipit, kinunan ng kata-rungan, kinunan ng hustisya sa bansang ito. Dito tutulo ang aking dugo. Dito ako mama-matay. Bahala na basta Pilipino ang papatay sa akin. Okay sa akin ‘yon.”
Nagbigay din ng paglilinaw si Quiboloy kaugnay sa kaniyang pagtatago sa awtoridad.
Sa inilabas na audio clip ng Sonshine Media Network International (SMNI) nitong Sabado, Abril 6, iginiit ni Quiboloy na pinoprotektahan lang aniya ang kaniyang sarili.
“Ako po ay hindi nagtatago sa kasong ito dahil ako po ay may kasalanan. Hindi po. Ako ay umiiwas dahil pinoprotektahan ko ang aking sarili,” lahad ni Quiboloy. “Umiiwas po ako sa pangyayaring ito dahil hindi po katulad ang kasong ito ng kina Cong. Teves at Gen. Bantag. Si General Bantag at Congressman Teves ang kumakalaban po sa kanila ngayon at humahabol ay gobyerno ng Pilipinas.”
Dagdag pa niya: “Ang sa akin po, complex. Complicated. Sapagka’t mayroon po akong ginawang kaso sa Amerika. Ang gumawa ng mga kasong ito ay ‘yon pong mga magnanakaw dito sa bansang kaharian na noong sila ay nahuli at lumayas at nag-iwan ng kaso.”
Si Quiboloy ay pinaaaresto ng Senado at House dahil sa hindi pagdalo sa mga pagdinig kaugnay ng mga reklamo laban sa kanya.
Pinaaaresto naman ng Davao Regional Trial Court Branch 12 (Family Court) si Quiboloy sa mga alegasyong “child abuse” at “qualified trafficking.”