Advertisers
SINIBAK sa puwesto ang apat na intelligence officer ng Philippine National Police (PNP) nang madawit sa magkahiwalay na pagdukot ng tatlo katao sa Laguna, na inuugnay sa dalawang bangkay na sinemento sa drum na nadiskubre sa ilog sa Calamba City, Laguna.
Pawang nakatalaga ang tatlong pulis na ‘di pa pinangalanan sa Calamba Intelligence Division na nahaharap narin sa kasong administratibo na inihain ng mga kaanak ng mga biktima sa National Police Commission (Napolcom).
Nagmula ang relief order sa Office of the Provincial Director at ipinatawag sila kasama ang kanilang superior para magbigay ng kanilang panig para sa mga alegasyon.
Napaulat ang mga opisyal na nakuhanan ng video footage ng close-circuit television camera (CCTV) na naka-install malapit sa insidente ng pagdukot, na nagpapakitang kinaladkad ng mga pulis ang dalawang hindi pa nakikilalang mga biktima sa loob ng sasakyan sa Barangay Parian, Calamba City noong Enero 11, habang ang kaanak ng biktima ay kinilala ang mga pulis na sapilitan binitbit ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa Los Baños City noong Marso 28.
Sa ulat, ang mga biktimang sina Diolito Garay Sr., 60 anyos, at Aldy Raquion, 23, kapwa residente ng Purok 7, Barangay Parian, ay naiulat ng isang Karen Garay, 23, online seller ng general merchandize at kamag-anak ng biktima, na mga nawawala sa Barangay Parian noong Enero 24, pero ini-report lamang sa istasyon ng pulisya Marso 11, 2024.
Samantala, noong Abril 2, natagpuan ang dalawa katao, na isinilid at nakasemento sa drum habang nakaposas, ng isang mangingisda sa Busig-on river sa Barangay Submakin, Lobo, Camariñes Norte.
Ang Labo Police ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng dalawang bangkay sa sinemento sa drum na maaaring tumugma sa dalawang nawawalang sina Garay at Raquion.
Ayon naman sa reliable sources, ang dalawang nawawalang tao na dinukot sa Laguna ang natagpuang patay sa Lobo, habang ang nawawala sa Los Baños City ay hinihinalang pinatay at hindi pa natatagpuan.
Ang lahat ng nawawalang tao, pinaghihinalaang sangkot sa mga aktibidad ng droga.