Advertisers
WALA pang tugon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung tatanggapin nila ang inaalok na P100,000 ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na hinuli nitong Lunes ng traffic enforcers nang dumaan ang kanyang mga sasakyan sa EDSA Bus Lane.
Humingi ng public apology si Singson nitong Lunes.
Ayon kay Singson, nagmamadali sila dahil mayroon silang hinahabol na guesting sa isang TV network sa Quezon City kaya’t hindi inaasahan ay nag-overtake ang kanyang driver at napadaan sa EDSA Bus Lane, dahilan kaya sila hinuli at tiniketan ng MMDA traffic enforcer.
Sa halip na magalit, pinapurihan pa ni Chavit ang mga traffic enforcer at nag-alok ng P100,000 na kanyang ipadaraan kay MMDA Acting Chairman Don Artes, pero wala pang tugon dito ang pinuno ng MMDA.
Nilinaw din Singson na ang P100,000 reward offer sa MMDA traffic enforcers ay hindi isang suhol.
Sinabi ni Singson na inalok niya ang reward money para hikayatin ang mga enforcer na hulihin ang mga motorista na mali.
“Gusto ko i-congratulate ang mga tao niyo at bigyan ng pabuya para ma-encourage sila na manghuli at hihirit ako ng paumanhin… Nagpaalam muna ako para hindi naman suhol, para lang ma-encourage ‘yung mga tao niya,” ani Singson, na tinutukoy si MMDA chairman Romando Artes.