Advertisers
INIHAYAG ng Philippine National Police (PNP) na mayroong pagmamay-aring mga armas si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Office chief Colonel Jean Fajardo sa gitna ng nagpapatuloy na manhunt operation ng pulisya laban sa akusadong pastor matapos maglabas ng warrant of arrest ng Davao Regional Trial Court laban dito kaugnay sa mga kasong sexual at child abuse na kaniyang kinakaharap.
Ayon kay Col. Fajardo, mayroong 19 baril ang pagmamay-ari ni Quiboloy kabilang na ang isang firearm na napaso nitong Marso, habang ang iba naman ay mayroong valid at existing pa na lisensya.
Aniya, kasalukuyan nang pinag-aaralan ng PNP Firearms and Explosives Office kung maaari pang ipasuspinde ang mga lisensya ng baril ng pastor nang dahil sa kaniyang mga kasong kinakaharap.
Samantala, hindi parin ikinokonsidera ng PNP na armed and dangerous si Quiboloy sa kabila ng pagmamay-ari ng mga baril dahil wala naman siyang rekord na naging marahas at mayroong private army ito.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang manhunt operation ng mga awtoridad sa church leader para isilbi ang warrant of arrest mula sa Davao RTC.
Kasabay nito, muling nanawagan ang PNP kay Quiboloy na harapin ang kaniyang kaso at respetuhin ang judicial authority ng Korte.