Advertisers
NASAWI ang apat na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pananambang sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, Linggo ng hapon, April 14, 2024.
Mismong municipal officials at barangay leaders ang nagkumpirma nitong Lunes ng pagkasawi sa ambush nina Mhoni Kamid, Khar Anding at kanyang anak na si Tapurih, at si Ahmed Mansur na kilala sa kanilang masigasig na pagsuporta sa anti-terror operations ng mga unit ng 6th Infantry Division at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Ang pagtulong ng MILF sa pagsawata ng pamahalaan sa mga teroristang grupong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay batay sa peace agreement nito sa Malacañang, ang 2014 Comprehensive Agreement on Bangsamoro.
Sa inisyal na ulat nitong Lunes ni Maguindanao del Sur provincial police director Colonel Roel Sermese, at ng hepe ng Shariff Aguak Municipal Police Station na si Lt. Col. Regie Albellera, sakay ng mga motorsiklo ang apat nang tambangan ng mga teroristang armado ng assault rifles na nakaabang sa gilid ng highway sa isang liblob na barangay sa naturang bayan.
Ang mga biktima ay residente ng Barangay Dapiawan, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, at patungo sa Barangay Limpongo, hindi kalayuan sa bayan ng Datu Hoffer, nang sila ay tambangan.
Ang grupong nanambang sa mga biktima ay pinamumunuan umano ng isang Kagui Katatang.