Advertisers

Advertisers

BFAR execs kasuhan sa P2B vessel monitoring deal – Ombudsman

0 10

Advertisers

Pinasasampahan ng Office of the Ombudsman ng mga kasong graft ang mga kasalukuyan at dating pinuno ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) kaugnay ng P2.09 bilyong kontrata na ibinigay sa isang British company para magsuplay ng teknolohiya at mga kagamitan para sa Integrated Marine Environment Monitoring System Project Phase 1 (PHILO Project).

Layon ng PHILO Project ng DA-BFAR na mapangalagaan ang yamang-dagat at malabanan ang illegal fishing sa pamamagitan ng paglalagay ng Vessel Monitoring System (VMS) sa malalaking commercial fishing vessels na may operasyon sa exclusive economic zone ng bansa.

Nakita ng Ombudsman na may probable cause para isakdal sina dating DA Usec. for Fisheries at BFAR National Director Eduardo B. Gongona, BFAR National Director Demosthenes R. Escoto, at Simon Tucker, ang chief executive officer ng SRT Marine Systems Solutions Ltd.-United Kingdom (SRT-UK) para sa dalawang kaso ng paglabag sa Sec. 3(e) ng Republic Act (RA) 3019 o ang “Anti-Graft and Corruption Practices Act” at tig-isa naman para sa Secs. 3(g) at 3(j).



Sinibak si Escoto sa serbisyo ng Ombudsman kamakailan lamang nang mapatunayang guilty ng grave misconduct kaugnay ng transaksiyon.

Inisyal na popondohan ng utang ang PHILO Project mula sa pamahalaan ng France at nagkakahalaga ito nang P1.6 bilyon subali’t may kondisyon na dapat na French o may ka-joint venture na isang French company ang mga bidders.

Noong 2017, idineklarang winning bidder ng DA-BFAR ang SRT-France, isang subsidiary ng SRT-UK, subalit hindi ito kinilala ng gobyerno ng France dahil British ang nagmamay-ari ng kompanya.

Natuklasan din na isang buwan pa lamang na naitatayo ang SRT-France at wala itong mga pasilidad sa France kung kaya kumalas na lamang sa loan agreement ang French government.

Sa ibang bidding noong 2018, ang SRT-UK naman ang nanalo subalit nasa P2.09 bilyon na ang aprubadong budget na lokal nang popondohan at pinalawak na rin ang sakop ng proyekto base na rin sa ipinasang bid ng kompanya.



Kung noong una’y 3,500 VMS transmitters lamang ang bibilhin, nadagdagan na ito ng 5,000 VMS transceivers at may kasama pang satellite services subscription.

Ayon sa Ombudsman, tahasang nagsabwatan sina Gongona, Escoto, at Tucker na dahilan upang maagrabyado sa transaksiyon ang gobyerno.