Advertisers
KULONG ang isang tatay nang ireklamo ng 14-anyos na anak sa halos araw-araw na panggagahasa sa kanya sa loob ng dalawang taon.
Nitong Lunes, Mayo 6, binitbit ng National Bureau of Investigation’s (NBI) Violence Against Women and Children Division ang 39-anyos na si alyas “Jay” nang akusahan ng kanyang anak ng rape.
Ayon kay NBI-VAWCD chief Yehlen Agus, lumabas sa medical checkup ng biktima na nagtamo ito ng ilang sugat sa kanyang ari.
Sa kanyang salaysay, ikinuwento ng dalagita na ang kanyang tiyuhin ang unang gumahasa sa kanya noong 2022. Nang sabihin niya ito sa kanyang ama, hindi umano siya pinansin nito.
Ang malala pa, makalipas ang ilang araw, ginawa rin ito ng kanyang ama, at paulit-ulit siyang ginahasa tuwing umaalis ang kanyang ina para magtrabaho.
Inamin ng ama ang kababuyang nagawa sa anak.
Kasalukuyang nakakulong si “Jay” at nahaharap sa reklamong ‘statutory rape’ na inihain ng NBI sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Iniimbestigahan narin ang kanyang bayaw dahil sa panggagahasa.
Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development ang biktima habang sumasailalim sa counselling.