Advertisers
BUKOD sa pamosong Chocolate Hills sa Bohol, malamang ay malapastangan din ang deklaradong protected area na Masungi Georeserve Park sa Rizal kung hindi ganap na mailalantad sa publiko ang mga aktibidad sa loob ng nasasakupan nito.
Ayon sa Rizal-based environmentalist na si Bernadette Torres, kailangan magkaroon ng pisikal na inspeksiyon ang mga kinauukulan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pahintulot ng grupong umaaktong caretaker ng lugar sa mga awtoridad lalo na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ito ay mapasok.
Ang DENR at ang Masungi Georeserve Foundation, Inc. (MGFI) ay magugunitang lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) noong 2017, na nagsasaad na ang naturang grupo ang magiging tagapangalaga ng tinatayang 2,700 ektaryang kagubatan at wildlife sanctuary.
Ayon kay Torres, dapat makita ang kabuuang bahagi ng lugar na pinangangasiwaan ng MGFI upang matiyak na wala itong nalalabag sa mga nilalaman ng kasunduan lalo na nga tungkulin na panatilihin ang natural na kaanyuan ng lugar.
“Dahil nga may kasunduan, dapat natitiyak na ang mga probisyon nito ay nasusunod at lahat ng mga galaw ng umaaktong caretaker ay naaayon sa batas,” banggit ni Torres.
Kamakailan lamang, lumabas sa mga balita na naniningil ng tinatayang P1.6 bilyon ang MGFI sa DENR dahil sa umano’y kabiguan ng ahensya na tumupad sa ilang nilalaman ng kanilang kasunduan.
“Tutal naniningil din naman sila, hayaan na muna ng MGFI na makita ang kabuuan ng lugar na kanilang binabantayan upang mapatunayan ng mga kinauukulan kung para saan ang halagang dapat na bayaran ng gobyerno sa pangangalaga nila sa Masungi. Pero ang tanong: Nagbabayad ba ng taxes and MGF sa local at national?” ayon pa kay Torres.
Bago pa man mabuo ang kasunduan sa pagitan ng DENR at MGFI, una nang naglabas ng ilang ordinansiya ang lokal na pamahalaan ng Tanay na nag-aatas sa grupo na itigil ang ilang aktibidad sa loob ng lugar na nakakasira sa mga natural na pormasyon nito at naging dahilan para hindi makapasok ang mga katutubo.
Nabatid din ng nabanggit na LGU na tila mayroong widening na nagaganap sa ilang daan na nasa loob ng lugar na pinangangalagaan nito at ang gumagawa ay ang Blue Star Development and Construction Corporation na may kaugnayan sa MGFI.
Ang paglapastangan sa Chocolate Hills sa Bohol ay nabunyag dahil lamang sa socmed post ng isang netizen sa litrato ng isang pool resort na nasa mismong paanan ng isa sa mga burol nito.
“Hindi imposibleng may ganito rin sa loob ng Masungi kaya dapat na itong mapasok at pisikal na mainspeksiyon ng mga awtoridad,” banggit pa ni Torres.