Advertisers

Advertisers

Helicopter ni Quiboloy bantay sarado na

0 12

Advertisers

BANTAY-SARADO na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Davao ang private chopper ni Kingdom of Jesus Christ founder, Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon sa CAAP-Davao, ito ang tanging magagawa nila sa gitna ng kawalan ng hold departure order laban kay Quiboloy.

Dagdag pa nito, limang beses naispatan lumipad sa Davao City mula Mayo 1 hanggang Mayo 14 ang chopper ni Quiboloy, at ang pinakahuli nitong nakaraang linggo.

May ruta itong mula sa Hangar patungong Barangay Tamayong at vice versa.

Base sa manifesto, hindi kasama si Quiboloy sa mga sakay ng chopper.

Sakali namang mamataan si Quiboloy na sakay ng chopper at paalis ng Davao ay agad daw silang makikipag-ugnayan sa Aviation Security Office-11.

Dalawang arrest warrant ang kinakaharap ni Quiboloy. Una’y ang inisyu ng Davao Regional Trial Court para sa paglabag sa child abuse law, partikular ang probisyon sa sexual abuse of minors and maltreatment. At ang ikalawang arrest order ay mula Pasig City Regional Trial Court para sa qualified human trafficking case.

May arrest warrant din si Quiboloy mula sa Senado, at sa Federal Bureau of Investigation sa Estados Unidos.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa nadadakip o lumulutang ang pastor.