Advertisers
KAMAKAILAN pinuri natin ang ilang matataas na opisyal ng kapulisan sa Oriental Mindoro dahil sa pagpapatigil ng mga ito sa operasyon ng 1602 sa buong probinsya.
Matapos nating purihin ay atin namang pupunahin sa pagbubukas muli ng operasyon ng 1602, partikular sa bayan ng Puerto Galera.
Ayon sa reklamo parang mga kabute ngayon na nagsulputan ang mga kubrador ng jueteng sa kanilang bayan maging ang gabi-gabing sugal sa mga peryahan na inaabot umano ng madaling araw ang operasyon nito.
Mistulang gambling free ang maunlad na bayan dahil sa OPEN na uli ang Pergalan at Jueteng/Bookies na halos dalawang buwan ding natigil.
Oo, tama kayo mga pare at mare ko na moro-moro lang ang ginawang pagpapatigil nina Oriental Mindoro Provincial Director PCOL SAMUEL DELORINO at Police Regional Office MIMAROPA Regional Director PBGEN. ROGER QUESADA laban sa iligal na sugal, kumbaga Press Release lamang ito.
Anyare sa mga itinalagang opisyal ni PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil bakit hindi nila mapatigil ng tuluyan ang mga perwisyong sugal tulad ng drop ball, baraha at color games maging ang jueteng/bookies.
Ayon sa reklamo ilang linggo na nilang pinararating ito kay PMAJ JERYLL JOHN C LAURON, chief of police ng Puerto Galera, subalit hindi umano ito ang prayuridad ng nabanggit na hepe ayon sa mga residente at mga debotong namamanata.
Imbes na ilayo nina Major Lauron, Col Delorino at Gen. Quesada sa bisyo ang mga residente sa nasabing bayan ay tila sila pa umano ang nagtutulak para magumon o malulon sa bisyong sugal ang mga tao na walang pinagkaiba ang sugal sa shabu na parehong nakaka-adik.
Ayon naman sa impormasyong nasagap ng pitak na ito, ipinangangalandakan ng isang organisadong sindikato ng sugal na si alyas RR na patabaing baboy lamang nila ang mga pulis sa nasabing bayan at lalawigan.
Binubusog umano nila sa lingguhang “intelihensiya” at “goodwill” ang mga ito para hindi na umano pumalag sa kanilang pa-sugal na color game, baraha at drop ball na salot at perwisyo sa mga mahimbing na natutulog sa gabi.
Maraming kabataan at mag-asawa na rin ang nag-aaway dahil sa pagkalulon sa sugal imbes ipambili na lamang ng bigas at pagkain ang kanilang pera ay naitataya pa sa jueteng at sugal sa mga peryahan.
Naglipana ngayon sa nabanggit na bayan ang mga kubrador ng jueteng na animoy mga nag-oopisina sa kalye.
Wala umanong habag at kunsinsya ang mga kunsintidor at protektor ng sugal sa lalawigan ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor.
Kapag nagsumbong ka sa police station, mga gambling operator umano ang kinakampihan at hindi ang mga nagrereklamo dahil sa nakakabulag umanong “payola” mula sa jueteng-bookies at gabi-gabing sugal sa perya na natatanggap umano ng mga mataas na opisyal ng kapulisan sa pamamagitan ng kanilang KOLEK-TONG kaya naging bulag at bingi ang mga ito.
Ipinagmamalaki din umano ng mga organisadong sindikato ng sugal sa nasabing bayan na “selyado” na ang umanoy “timbre” nila sa lahat ng unit ng PNP hanggang sa National Bureau of Investigation (NBI-4B).
Pati nga raw sa KAPITOLYO ay matagal ng plantsado ang umanoy TIMBRE.
Kaya pala “untouchable” ang gambling operation sa Puerto Galera dahil PASOK pala lahat pati ang prostitution den at Gay bar sa Sabang at White Beach.
Kaya panawagan ko sa mga nagpaabot ng sumbong sa BALYADOR, wag na tayong umasa na aaksyunan ito ng mga nabanggit na PNP officials na maaalis ang jueteng-bookies at perwiyong sugal na front ang peryahan sa inyong mga lugar kung ang mismong mga opisyal ng kapulisan natin ay nasusuhulan ng mga gambling operator.
Sa NPA na lang kayo magsumbong baka sakali maaksyunan ito!
Gusto kulang ipaalala ng paulit-ulit kina Major Lauron, Col Delorino at General Quesada na kaakibat ng pamumuno sa organisasyon ay ang responsibalidad at ang mabigat na pananagutan na nabigyan ng kapangyarihan sa bisa ng mandato ng “police service” ay may pananagutan batay sa doktrina ng “command responsibility”.
Kaya kung sakaling may pagpapabaya nga sa kanilang tungkulin ang nabanggit na PNP officials dahil sa di pag-aksyon ng mga ito laban sa pamamayagpag ng jueteng at mga peryang may sandamakmak na sugal ay pagpapabaya sa tungkulin ang tawag dito.
May kasunod pa…Abangan!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.