Advertisers
DINAKIP ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang lalaki na ginagamit ang pangalang ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Rommel Francisco Marbil, sa pangongolekta ng illegal gambling sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas at Cavite.
Nakilala ang naaresto na si Deanson Ilagan Magsino.
Sa report, 1:30 ng madaling araw nang maaresto ng mga elemento ng CIDG Regional Field Unit 4A si Magsino sa Gen. Malvar, Brgy. Poblacion 1, Sto Tomas City, Bantangas.
Inaresto si Magsino ng mga operatiba nang mabigong magpakita ng mga kaukulang papeles, license at permit to carry of firearms sa pagbibibit ng baril nang sitahin ng mga otoridad.
Narekober ng mga otoridad kay Magsino ang isang caliber .45 Colt, 1 magazine na may 7 bala.
Nabatid na ginagamit ni Magsino kasama ang isang alias Steve Andrew ang pangalang ni Gen Marbil sa pangongolekta ng “tong” sa mga illegal establishment na nag-o-operate sa Laguna, Batangas at Cavite.
Si Magsino ay nasa kustodiya na ng CIDG 4A at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.(Mark Obleada)