Advertisers
Aabot sa 21 pamilya o 79 na indibidwal ang inilikas matapos bumigay ang bahagi ng kalsada sa Barangay Karuhatan sa Valenzuela City.
Ayon sa Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office, sa tabi ito ng kalsada sa gilid ng ginagawang city hall sa lungsod. Nasa tatlumpung metro ang haba ng kalsada na nagkaroon ng bitak at gumuho.
Kuwento ng isang residente, napansin nila ang bitak sa kalsada tanghali ng Linggo sa kasagsagan ng buhos ng ulan.
Pero bago pa aniya ang mga pag-uulan nitong weekend, napapansin na nila ang mga bitak sa kalsada.
“Matagal na pong lumalaglag ‘yung drainage na ito, lumalaglag na po tapos umulan nang umulan ngayon ganyan na kalala. Pina-plasteran nila kahapon naka ilang semento sila kesyo ididikit daw,” sabi ng residente, na tumangging magpakilala.
“Ayan bitak tapos tapat po ng bahay namin baka syempre gumuho. Huwag naman sana mag collapse itong mga kabahayan namin dito. Kung mag collapse man, ano ba ito? Pananagutan ba nila?” dagdag ng residente.
Ayon naman sa Valenzuela CDRRMO, may ilang mga residente ang pinili na munang manatili sa kanilang bahay pero handa naman ang CDRRMO kung kailangan silang ilikas.
“Dyan na muna sila sir kasi nakadepende sa kanila dahil ayaw pa nilang iwan ‘yung kanilang mga tirahan.
Ang assessment kasi namin ‘yung pagguho na ‘yan dahil sa patuloy na pag-ulan. Possible na lumambot ‘yung lupa. ‘Yun din po ‘yung naging tendency para magkaroon ng pagguho,” sabi ni Aj Santiago, rescue officer ng Valenzuela CDRRMO.
Sa mga modular tents muna sa Malinta Junior High School pansamantalang nanunuluyan ang mga apektadong pamilya.
Wala pang ipinalalabas na pahayag ang lokal na pamahalaan hinggil sa insidente.