Advertisers
NAGTUNGO ang Philippine National Police’s Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isang property ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) upang isilbi ang arrest warrant laban sa pinuno ng grupo na si Apollo Quiboloy sa Davao City nitong Lunes.
Isinilbi ng mga awtoridad ang arrest warrant sa loob ng KOJC Dome sa Buhangin District 5:00 ng umaga.
Pinayagan ng legal counsel ni Quiboloy at ng mga awtoridad na papasukin ang apat na team na binubuo ng anim na tauhan upang suriin ang lugar.
Iniulat ng mga awtoridad na naging mahirap ang pagsisilbi ng warrant dahil sa pagdagsa ng mga taga-suporta ni Quiboloy sa compound.
Nahaharap si Quiboloy sa mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, at sa ilalim ng Section 10(a) ng parehong act.
Inisyal na inihain ang mga kaso sa Davao, subalit pinayagan ito ng Supreme Court na mailipat sa isang korte sa Quezon City upang maiwasan ang “miscarriage” ng hustisya.
Nahaharap din si Quiboloy sa non-bailable case ‘Qualified Human Trafficking’ sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, na inamyendahan sa Pasig court. Itinanggi niya ang mga akusasyon laban sa kanya.
Si Quiboloy ay wanted din sa Federal Bureau of Investigation sa Amerika sa iba’t ibang kaso.
Simula nang maisyuhan ng arrest warrants si Quiboloy ay hindi na ito nagpakita sa publiko.
Huli siyang nakita kasama si dating Pangulo Rody Duterte sa isang restoran sa Davao City.
Si Quiboloy ay naging ‘spiritual adviser’ ni Duterte.