Advertisers
HUMIHIRIT ang transport group na Manibela na pagbigyan ng pamahalaan ang isang taon na provisional authority sa mga unconsolidated jeepney.
Ito ay upang magamit nila ang panahong ito upang mapa-aprubahan ang prototype jeepney na kanilang inirerekomenda alinsunod sa modernization program.
Sa nagdaang congressional hearing, iminungkahi ng mga kongresista ang pagbibigay ng isang taon na provisional authority sa mga unconsolidated jeepney.
Subalit, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), pinag-aaralan pa nila ang rekomendasyong ito.
Samantala, magtatagal pa hanggang Biyernes ang isinasagawang tigil-pasada ng transport group na Manibela na nagpoprotesta sa panghuhuli sa mga unconsolidated na mga tradisyunal na jeep.
Sinabi ni Manibela Chairman Mar Valbuena, ngayong Martes at hanggang sa mga susunod na araw, may protesta at tigil-pasada ang kanilang mga miyembro sa mga protest center sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa Biyernes aniya ay tigil-pasada na lang ang kanilang gagawin.