Advertisers
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka, mangingisda at pamilya sa Isabela City habang nangakong ipagpapatuloy ang pangako ng kanyang ama sa patuloy na suporta at tulong sa buong Cagayan Valley Region.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang papel ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. sa pagpapaunlad ng iba’t ibang industriya sa rehiyon, lalo na ang pagtatatag ng Magat Dam na nagpatatag sa lokal na sektor ng agrikultura.
Aniya, nagagalak siya na makiisa sa mga kababayan sa Isabela para maghandog ng tulong mula sa pamahalaan at mailapit ang serbisyo lalo na sa magsasaka at ang mga maningisda at sa kanilang pamilya.
Ipinahayag ng Punong Tagapagpaganap ang kanyang init sa mga Pilipino sa Isabela habang nangakong ipagpapatuloy ang pangako ng kanyang ama na paunlarin ang agrikultura at ekonomiya nito. Sinabi niya na ang kanyang pamahalaan ay nakikipagtulungan sa pamahalaang lungsod ng Isabela upang tugunan ang mga hamon sa seguridad ng tubig.
Maliban dito, inulit ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng Kadiwa ng Pangulo na nag-uugnay sa mga magsasaka sa pamilihan at sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na namahagi ng tulong pinansyal sa mga taga Isabela. Ang Rice Competitiveness Enhancement Fund ay makikinabang din sa mga magsasaka sa kabila ng planong pagbabawas ng mga taripa ng bigas.
Gayundin ay sinabi nito na, “Pinasinayaan din natin ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na nagpatupad ng mga programa at nagbigay ng financial assistance para sa mga taga-Isabela. Makakaasa ang ating mga magsasaka na patuloy pa rin na makikinabang sila sa Rice Competitiveness Enhancement Fund sa kabila ng planong pagbaba sa taripa sa bigas.” (Vanz Fernandez)