Advertisers
ARESTADO ang tatlo katao kabilang ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa kasong carnapping dahil sa “rent-tangay” modus sa isinagawang operasyon ng Highway Patrol Group (HPG), Miyerkoles ng gabi sa Parañaque City.
Kinilala ang mga naaresto na sina Lt. Colonel Gideon Ines, Jr., 52 anyos, deputy chief of police for administration ng Mandaluyong City Police Office; Michael Perez, 42; at Evelyn Salonga Tuazon, 52.
Dinakip ang tatlo 6:45 ng gabi ng Hunyo 5 sa bisinidad ng isang fast food chain sa kahabaan ng Roxas Blvd. Service Road sa Baclaran, Parañaque City ng mga tauhan ng Special Operation Division ng HPG.
Sa ulat, Hunyo 5, humingi ng tulong sa HPG ang isang babaeng complainant na nagmamay-ari ng isang kulay silver na Mitsubishi Expander dahil kinontak siya ng umano’y buyer sa messenger kung talaga siya ang rehistradong nagmamay-ari ng nasabing sasakyan na binebenta sa kanya ng halagang P350,000.
Ayon pa sa nagrereklamo, na hindi nagpabanggit ng pangalan, nirentahan sa kanila ang kanilang sasakyan Hunyo 2 hanggang Hunyo 4 sa Porac, Pampanga ng isang nagngangalang Michael Perez Bautista subalit hindi na ito naibalik ng nasabing petsa hanggang sa tumawag nga ng Hunyo 5 ang umano’y buyer ng kanyang sasakyan.
Dahil dito, agad siyang humingi ng tulong sa HPG, na agad namang nagsagawa ng operasyon at nadakip ang tatlo kabilang ang nasabing opisyal ng pulisya.